

HEADLINES
Princess of Wales Kate Middleton na-diagnose na may cancer

3/23/24, 10:08 AM
Ni MJ Blancaflor
Inanunsyo ni Kate Middleton, Princess of Wales, na sumasailalim siya ngayon sa early stages ng chemotherapy matapos siyang ma-diagnose na may cancer.
Sa isang video message na inilabas kagabi, Marso 22, ibinunyag niyang na-detect ang kanyang sakit matapos ang iba't ibang test na isinagawa sa kanya matapos ang matagumpay niyang abdominal surgery noong Enero.
"In January, I underwent major abdominal surgery in London and at the time, it was thought that my condition was non-cancerous. The surgery was successful. However, tests after the operation found cancer had been present," ani Kate, 42.
Dahil dito, inirekomenda ng kanyang medical team na sumailalim siya sa chemotherapy at bumubuti na raw ang kanyang pakiramdam. Hindi na niya idinetalye ang klase ng cancer na tumama sa kanya.
Ikinagulat daw niya ang kanyang diagnosis pero umaasa siyang lalakas pa ang kanyang pangagatawan.
Humingi ng oras, space, at privacy si Kate sa publiko.
Si Kate ay may tatlong anak sa asawang si Prince William, ang tagapagmana ng trono ni King Charles III.
Sa isang Instagram post, nagpahayag ng suporta ang kapatid niyang si James Middleton. "Over the years, we have climbed many mountains together," ani James.
"As a family, we will climb this one with you too," dagdag pa nito.