

HEADLINES
Piloto, 78, inatake sa himpapawid; asawang 69-anyos, napilitang paliparin ang eroplano

10/15/24, 4:48 AM
Isang babae ang matagumpay na nakapagpalapag ng eroplano kahit walang pormal na pagsasanay matapos atakihin sa puso ang kanyang pilotong asawa sa gitna ng flight.
Ayon sa Los Angeles Times, pinapalipad ng 78-anyos na si Eliot Alper ang isang maliit na eroplano mula Henderson, Nevada patungong Monterey, California nang siya’y atakihin sa puso.
Sumaklolo ang kanyang asawang si Yvonne Kinane-Wells, 69-anyos na real estate agent at triathlon athlete.
Batay na rin sa blackbox ng eroplano, nanatiling kalmado si Yvonne habang kinontrol ang flight deck at sinunod ang mga instruksyon ng air traffic controller na tumulong sa kanya gamit ang radyo.
Sa mga audio recording na inilabas ng Inside Edition, maririnig ang air traffic controller na nagbibigay ng mga instruksyon tungkol sa altitude at direksyon. Positibo ang naging tugon ni Yvonne.
Dahil sa kanyang katatagan, matagumpay niyang napalapag ang eroplano sa Meadows Field Airport sa Bakersfield kung saan naghihintay ang emergency vehicles.
Agad na dinala si Eliot sa pinakamalapit na ospital, ngunit kalaunan ay pumanaw din ito.
Walang ibang naiulat na nasaktan dahil sa insidente.
Nangyari ang insidente ilang buwan matapos ikasal sina Eliot at Yvonne.