

HEADLINES
Pilipinong researchers sugatan matapos ma-harass ng China aircraft
.jpg)
3/27/24, 8:24 AM
Ni MJ Blancaflor
Ilang Pilipinong siyentipiko at mananaliksik na nagsasagawa ng marine resource assessment sa Pag-asa Island, Palawan sa West Philippine Sea ang sugatan matapos silang ma-harass ng Chinese helicopter noong Sabado.
Sa video na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources noong Martes, Marso 26, makikita kung paano nag-hover ang isang helicopter ng People's Liberation Army Navy na may tail number 57 sa ibabaw ng Sandy Cay 3 at 4 habang nagsasagawa ng pag-aaral ang research team ng Pilipinas.
Ayon sa BFAR personnel, natakot ang mga marine researcher mula sa kanilang ahensya, sa UP Institute of Biology, at National Fisheries Research and Development Institute matapos na lumapit ang helicopter ng China 50 feet lamang ang layo mula sa ground sa loob ng 10 minuto.
Dahil sa malakas na hangin at debris na idinulot ng pag-aligid ng helicopter, nagtamo ng mga galos at hiwa ang ilan sa kanila.
Isang tauhan din ng BFAR na nagmamando ng underwater drone ang muntik pang malunod dahil hindi ito makaalis sa tubig dulot ng malakas na hangin dala ng helicopter. Mabuti na lamang at naisalba ito ng isa sa kanyang mga kasamahan.
Pinauwi ng mission commander ang grupo dahil sa nasabing pangyayari.
Ang panggugulo ay nangyari sa parehong araw na binomba ng China Coast Guard ang Philippine resupply boat na Unaizah May 4 habang nagsasagawa ng resupply mission sa ayungin shoal.
Sa nasabing insidente, sugatan din ang tatlong personnel ng Philippine Navy.