

HEADLINES
PhilHealth, pinag-aaralan ang mungkahing wag singilin ang minimum wage earners

2/23/24, 5:55 AM
Ni MJ Blancaflor
Pinag-aaralan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mungkahi ng isang mambabatas na suspendihin muna ang paniningil ng kontribusyon sa minimum wage earners.
Naniniwala ang ahensya na magiging sapat pa rin ang pondo nito para sa pangangailangang medikal ng mga mahihirap kahit pa pansamantalang itigil ang pagkolekta ng premium payments ng ilan.
"Pinag-aaralan na natin 'yan. Napakagandang proposal at siyempre, lahat naman ng mga proposal na makakabuti sa mga kababayan natin, why not?" sagot ni PhilHealth spokesperson Rey Baleña sa isang panayam sa dzBB nitong Huwebes, Pebrero 22.
"Ngayon, kung made-deplete po ba? Hindi pa ho. Hindi made-deplete. Kasi talagang financially very robust po ang PhilHealth. Granting na iyan po ay mangyayari, maisasakatuparan, hindi po tayo naniniwala na made-deplete," dagdag niya.
Noong Martes, ipinanukala ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo sa pamamagitan ng House Reolution No. 1595 ang pansamantalang pagpapatigil ng premium payment ng lahat ng minimum wage earners sa bansa para lumaki ang kanilang take-home pay.
Ayon kay Quimbo, P24 bilyon pa ang hindi nagagamit na pondo ng PhilHealth noong 2022 at P39 bilyon nitong nakaraang taon na pwede raw gamitin bilang subsidiya para sa indigent families, senior citizens, and persons with disability.
"The unspent premium of PhilHealth can very well cover the premium contributions of minimum wage earners for at least a year since in 2022 their premium contribution only amounted to P19.6 billion," saad ng kongresista.
"This [measure] will provide immediate financial relief to the country’s economically vulnerable workers, offering an average monthly wage boost of about P400 in the National Capital Region for non-agricultural workers," dagdag niya.
Paliwanag pa ng mambabatas, tinatayang aabot sa P463 bilyon ang financial reserves ng PhilHealth para sa taong 2023, mas mataas ng 68% kumpara sa 2022.
Sa kabila niyan, naniniwala ang ibang medical group na ang mungkahi ay kailangang suriin nang mabuti lalo pa't may proposal din na pagdagdag ng PhilHealth coverage para sa private hospital admissions.
Dapat daw masiguro na hindi mababangkarote ang PhilHealth.