

HEADLINES
PDEA itinangging nasa drug watch list si BBM
.png)
1/29/24, 2:00 AM
Ni MJ Blancaflor
Pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang paratang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa drug watch list ng ahensya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil umano "bangag" ito
"The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) categorically states that President Ferdinand R Marcos, Jr is not in its watch list, contrary to the statement of former President Rodrigo Duterte, claiming that 'when he was the Mayor of Davao, he was shown evidence by PDEA that in the list, the name of the president was there,'" sabi ng ahensya sa isang pahayag.
Giit pa ng PDEA, kailanman ay hindi napabilang ang Punong Ehekutibo sa National Drug Information System (NDIS), database na naglalaman ng lahat ng impormasyon ukol sa drug personalities na nakalap ng law enforcement at intelligence agencies.
Wala rin daw ang pangalan ni Marcos sa narco-list na inilabas ng administrasyong Duterte noong 2016.
Noong Linggo, inakusahan ni Duterte si Marcos na "bangag" at saka nagbabala na maaari nitong sapitin ang kapalaran ng kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
"Nung ako mayor, pinakitaan ako ng evidence ng PDEA. Doon sa listahan, nandoon yung pangalan mo," ani Duterte sa isang pagtitipon sa Davao City.
"Si Bongbong, bangag iyan. That’s why sinasabi ko na sa inyo ngayon, si Bongbong Marcos bangag noon, ngayong presidente na, bangag ang ating presidente. Kayong mga military, alam ninyo 'yan. Lalo na 'yung nasa Malacañang. Alam ninyo. The Armed Forces of the Philippines, alam ninyo. May drug addict tayo na presidente," patuloy ng dating pangulo.
Ang mga tirada niya kay Marcos ay kasunod ng pagkontra niya sa Charter Change na aniya'y itinutulak lang para magtagal sa kapangyarihan ang administrasyon.
Pinagbintangan din ng dating Pangulo sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez na nasa likod ng People's Initiative para diumano ibalik ang parliamentary system ng gobyerno.
Nagbabala rin si Duterte kay Marcos na maaari nitong sapitin ang kapalaran ng kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung ipagpapatuloy niya ito. Napatalsik sa kapangyarihan si Marcos Sr. sa 1986 People Power Revolution matapos ang mahigit 20 taon sa Palasyo.
Matatandaang noong 2021, ilang buwan bago ang pambansang halalan para sa pagkapangulo, inihayag ni noo'y Pangulong Duterte na may isang kandidatong gumagamit daw ng illegal na droga. Hindi niya ito pinangalanan.
Kasunod niyan ay nagpa-drug test si Marcos upang tiyakin sa publiko na tutol siya sa paggamit ng ilegal na droga.
Sa ngayon, wala pang tugon ang Malacañang sa mga bagong akusasyon ni Duterte.