top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

PBBM sa Araw ng Kalayaan: Fake news, misinformation salot ng kalayaan

6/12/25, 5:06 AM

Ni Samantha Faith Flores

Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kapwa Pilipino na magkaisa upang iligtas ang bayan mula sa fake news at pagpapakalat ng maling impormasyon na ayon sa kanya ay mga salot sa pagiging malaya.

Pinangunahan ni Marcos ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan nitong Miyerkules (June 12) na sinimulan sa pag-alay niya ng bulaklak sa monumento n ng pambasang bayani si Jose Rizal.

Agad siyang nagtungo para sa grand parade sa Quirino Grandstand sa Rizal Park upang ipagpatuloy ang komemorasyon ng ika-127 Araw ng Kalayaan.

“Ang mga kasinungalingang walang hangganan - mga balitang walang katotohanan at maling impormasyon - ito ang mga salot sa ating Kalayaan,” diin ng pangulo.

Sinabi niya na ang kalayaan ay dapat pangalagaan, ipagtanggol at ipaglaban sa anumang uri ng pagbabanta gapiin ito.

Nilinaw niya sa mga Pilipino na ang kalayaan ay hindi lamang minana ngunit isang karapatan na dapat ipaglaban sa bawat araw.

“Nakalulungkot din na may ilan din sa ating mga kababayan ay pinipilit ang maling paniniwala para sa interes ng iba at hindi para sa kapakanan ng ating mga kababayang Pilipino. Maging mapanuri tayo lagi. Alamin ang totoo,” sinabi ni Marcos.

Dapat umanong labanan ng bayan ang kasinungalingan at piliin ang maging tapat “kahit walang nakakakita.”

“Piliin natin na manindigan, lalo na kung may nagkakamali. Piliin natin ang pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba,” diin niya.

Ayon kay Marcos ang pagwawalang bahala ang tunay na “kalaban ng kalayaan”.

“Ang totoong kalaban ng kalayaan ay ang pagiging manhid- manhid sa hinaing ng taumbayan, manhid sa kalagayan ng ating kapwa, manhid sa kapakanan ng ating bansa,” paliwanag ng Pangulo.

Bukod sa mga seremonya na naganap sa Rizal Park, nagkaroon din ng flag-raising at wreath-laying ceremonies sa Damanang Emilio Aguinaldo sa Cavite; Barasoain Church sa Malolos, Bulacan; Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City; Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemeter; Andres Bonifacio National Monument sa Caloocan City at sa museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa Angeles City, Pampanga.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page