

HEADLINES
Pangamba ng mga vloggers: Kalaboso sa panahon ng election campaign period

2/17/25, 8:32 AM
Lumutang ang posibilidad na makulong sa kabuuan ng election campaign period ang mga vloggers na kritiko ng Kongreso at ng pamahalaan.
Ito ang pinangangambahan ng marami sa mga naimbitahan sa pagdinig ng Mababang Kapulungan sa pag-iimbestiga nito ng umanoy paglala ng fake news at disinformation sa internet.
“Nakita naman ng buong bayan kung paano sila magpakulong dahil sa umanoy contempt. Kapag hindi nila nagustuhan ang sagot aakusahan ang resource person ng pagsisinungaling at kasunod na ang pag-contempt,” paliwanag ng isa sa nakumbida na nakiusap na huwag pangalanan.
Dagdag ng vlogger: “Wala akong dapat ipag-sinungaling sa kanila ngunit sila na ang nagdidikta ng paniniwalaan nila kahit wala itong sapat na batayan.”
Ayon sa kanya, nag-uusap ang marami sa kanila at nagkakaisa sa pangambang magkakaroon ng “shakedown” kahit na wala silang ginagawang masama kung hindi ilahad ang katotohanan at opinyon na ginagarantiyahan naman ng Saligang Batas.
Nitong Lunes, nagbabala ang ilang kongresista na ipapa-subpoena ang vloggers at mga content creators sakaling hindi nila maipaliwanag ng maayos ang dahilan ng kanilang hindi pagsipot sa imbitasyon sa unang pagdinig na ipinatawag noong Pebrero 4 ng House Committees on Public Order and Safety, on Information and Communications Technology and on Public Information.
“If there’s no valid reason for their absence this time, baka umakyat na iyan sa ano-… i-subpoena na sila,” paliwanag ni Lanao del Sur Rep. Zia Adiong sa isang pulong balitaan nitong Lunes (Peb. 17).
Sa nasabing press conference, nagbabala naman si 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez na dapat alamin ng Tri-Comm ang katotohanan sa likod ng umano’y “commercialization of vloggers” kung saan ibinebenta umano ng kanilang opinyon sa “highest bidder.”
Ayon kay Gutierrez unti-unti na nilang nadidiskubre ang koneksyon ng disinformation campaign sa social media.
“There is allegedly a link between Chinese backing of misinformation in the West Philippine Sea and political campaigns for certain individuals in the country,” paliwanag ni Gutierrez.
Una rito, sinabi na rin ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, tagapangulo ng Tri-Comm, na dapat nang ungkatin kung sino ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news laban sa pamahalaan.
Sina Gutierrez at Fernandez ay madalas na tinutuligsa sa social media.
Sa maraming social media post, inaakusahan ang pamilya ni Gutierrez na umanoy nakakuha ng malalaking kontrata sa public works mula sa pamahalaan. Si Fernandez naman ay madalas tinutuligsa sa kanyang pagtakbo bilang gobernador ng Laguna.