

HEADLINES
North Korea nag-test fire ng bagong cruise missile

1/25/24, 4:50 AM
Ni MJ Blancaflor
Nag-test fire ang North Korea ng bago nitong strategic cruise missile noong Miyerkules, Enero 24, ayon sa ulat ng state news agency na KCNA.
Ang missile, na tinawag "Pulhwasal-3-31," ay walang epekto sa seguridad ng mga kalapit na bansa at bahagi lamang ng modernisasyon ng weapon system ng North Korea, sabi ng state media.
Inanunsyo rin kahapon ng South Korea na nagpaputok ang North Korea ng cruise missiles patungo sa kanilang kanlurang baybayin.
Kinondena ito ni South Korean defense minister Shin Won-sik at sinabing banta ito sa seguridad ng kanilang bansa.
Ang insidenteng ito ay kasunod ng mga ulat na giniba na ng North Korea ang Arch of Reunification sa Pyongyang, kabisera nito, na sumisimbolo sa layuning pag-isahing muli ang Korean Peninsula.
Itinatag ang Arch of Reunification, na may taas na 30 talampakan, noong 2001 kasunod ng inter-Korea summit noong 2000.
Noong nakaraang linggo, idineklara ng Supreme Leader ng North Korea na si Kim Jong-Un na inaabandona na ng bansa ang usaping pangkapayapaan sa South Korea.
Ipinag-utos din niya ang pagrebisa sa Konstitusyon ng North Korea at pagturing sa South Korea bilang pinakamatinding kaaway nito.