top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

Nakamamatay na pertussis: Ano ang sanhi, sintomas, gamot at hakbang para iwasan ito

3/23/24, 10:05 AM

Ni MJ Blancaflor

Ilang lokal na pamahalaan na ang nagdeklara na tumataas ang bilang ng kaso ng pertussis, kilala rin bilang "whooping cough" o "ubong-dalahit," sa kanilang lugar. Nakapagtala na rin ang bansa ng ilang kaso ng pertussis na nagdulot ng kamatayan.

Sa artikulong ito, alamin kung ano ang sanhi, sintomas at gamot laban sa pertussis at kung paano ito maiiwasan.

Ano ang pertussis?

Ayon sa Department of Health, ang pertussis o ubong-dalahit ay isang bacterial respiratory infection na sanhi ng Bordetella pertussis at nagdudulot ng matinding ubo. Ibig sabihin, maaari itong madaling kumalat sa pamamagitan ng airborne droplets na dala ng ubo o pagbahing ng taong tinamaan nito.

Ano ang mga sintomas ng pertussis?

Karaniwang nagdudulot ng flu-like symptoms ang pertusiss na katulad ng sa trangkaso. Ilan dito ay ang mga sumusunod:

- pagbahing
- runny nose/baradong ilong
- ubo
- pagkahilo
- mild fever
- pagsusuka
- hirap sa paghinga
- seizure

Batay sa pag-aaral ng mga eksperto, karaniwang tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo ang pagma-manifest ng mga sintomas. Kung tatagal ito ng higit sa dalawang linggo, maaari itong humantong sa pagsusuka at hirap sa paghinga.

Mahalaga na agad na magpakonsulta sa isang doktor kapag may mga sintomas ng pertussis upang mabigyan ng agarang lunas at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa iba.

Higit itong mapanganib lalo na sa mga bata o immuno-compromised na mas mahina ang pangangatawan o immune system.

Ano ang gamot laban sa pertussis?

Ang pangunahing gamot na ginagamit sa paggamot ng pertussis o ubong-dalahit ay ang mga antibiotics, kabilang ang Azithromycin, Clarithromycin, at Erythromycin.

Ang paggamit ng antibiotics ay makatutulong sa pagpapabagal ng paglaganap ng sakit, pagpapabawas ng pagiging sakit ng sintomas, at pagpapakontrol sa pagkalat ng bakterya sa komunidad.

Paalala lang, dapat na ireseta ng doktor ang mga nasabing antibiotic. Ang mga eksperto rin ang makakapagsabi kung gaano kadalas o gaano katagal dapat inumin ang mga nasabing gamot.

Bukod dito, makatutulong din ang hydration o pag-inom ng tubig para bumuti ang lagay ng taong tinamaan nito.

Paano maiiwasan ang pertussis?

Patuloy na dumarami ang kaso ng pertussis sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Kaya naman nagpapaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, lalo na iyong mga 6 na buwang gulang hanggang 10 taong gulang. Libre naman ang bakuna laban sa pertussis at iba pang sakit na delikado sa mga bata tulad ng tigdas at beke.

Dapat din umiwas sa mga taong nagpapakita ng sintomas nito. Makabubuting mag-isolate ang mga taong may pertussis.

Ugaliin din ang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at pagsunod sa physical distancing upang mabawasan ang tyansa na mahawaan ng impeksyon.

Makatutulong din ang pag-inom ng vitamins, pagkain ng masustansyang pagkain, pag-eehersisyo, at sapat na tulog para mapalakas ang pangangatawan laban sa sakit.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page