

HEADLINES
MWSS nagsasagawa ng mga hakbang para maiwasan ang water interruption
.jpg)
4/4/24, 8:05 AM
Ni MJ Blancaflor
Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nagsasagawa na ito ng mga hakbang para maiwasan ang water interruptions sa gitna ng malaking demand dahil sa mainit na panahon.
Kasama sa mga hakbang na ito ang pagtatayo ng bagong water treatment plants bilang alternatibong mapagkukunan ng tubig ng mga residente ng Metro Manila.
"Nakapag-construct na tayo ng bagong planta na kumukuha ng tubig po sa Laguna lake. Tatlong bagong planta po iyong ating naipatayo," ani MWSS Water and Sewerage Management Division Manager Engr. Patrick Dizon.
Dalawa sa tatlong planta ang itatayo sa Muntinlupa, habang ang isa naman ay sa lalawigan ng Rizal.
Kaya nitong magproseso ng hanggang 220 milyong litro ng tubig kada araw, dagdag ni Dizon.
Sa ngayon, 90% ng supply ng tubig sa Metro Manila ay kinukuha natin sa Angat Dam.
Bukod dito, pinapayagan din ng MWSS ang Manila Water at Maynilad na bawasan ang pressure ng tubig tuwing off-peak hours o mula 10 p.m. hanggang 4 a.m. upang makatulong sa pag-iipon ng suplay ng tubig.
"Hindi po nawawalan ng tubig iyong ating mga customers, kundi binabawasan lamang natin ng pressure ng tubig," paglilinaw ni Dizon.
Pinangangambahan na magkulang ang suplay ng tubig sa bansa kapag nag-peak na ang El Nino phenomenon na inaasahang magpi-peak ngayong Abril hanggang Mayo.
Sa ngayon, umabot na sa higit 40 degrees Celsius ang heat index sa iba't ibang bahagi ng bansa, dahilan para magsuspinde ng klase sa mga paaralan.