

HEADLINES
MMFF 2023: 'Firefly' itinanghal na Best Picture; 'Gomburza' humakot din ng parangal

12/28/23, 5:35 AM
By MJ Blancaflor
Itinanghal na Best Picture ang fantasy film na "Firefly" at humakot din parangal ang historical movie na "Gomburza" sa katatapos lamang na 49th Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal nitong Miyerkules.
Pinangunahan ng direktor na si Zig Dulay ang "Firefly" team sa pagtanggap ng Best Picture award. Pinagbibidahan ito nina Alessandra de Rossi at child actor Euwenn Mikaell.
"Inaalay namin ang pelikula sa lahat ng taong naniniwala sa kapangyarihan ng pangarap, kapangyarihan ng pag-ibig, at kapangyarihan ng sining," ani Dulay sa kanyang acceptance speech.
Wagi din ang "Firefly" bilang Best Screenplay at naiuwi rin ni Mikaell ang Best Child Performer award.
GMA Pictures at GMA Public Affairs ang nag-produce ng pelikula.
Naungusan ng "Firefly" ang "Gomburza" na itinanghal namang 2nd Best Picture, Best Director para kay Pepe Diokno, Best Actor para kay Cedrick Juan, pati Best Cinematography, Best Production Design, Best Sound, at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Naiuwi naman ng "Mallari" ang 3rd Best Picture at Best Supporting Actor award para sa pagganap ni JC Santos.
"When I Met You In Tokyo" ang napiling 4th Best Picture. Pinagbibidahan ito nina Vilma Santos — na kinilalang Best Actress — at Christopher de Leon.
Bago ang awards night, usap-usapan na sa social media ang magagandang reviews sa 10 pelikulang kalahok sa MMFF ngayong taon, lalo na ang "Firefly" at "Gomburza."