

HEADLINES
Mga pulis na sangkot sa 'nawawalang' mga sabungero hindi sasantuhin ng PNP
%20(2).jpeg)
6/27/25, 6:18 AM
Ni Tracy Cabrera
KAMPO CRAME, Lungsod Quezon — Kasunod ng pahayag ng Department of Justice (DoJ) na may mga sangkot na kawani ng gobyerno at pulisya sa kaso ng mga 'nawawalang' sabungero, agad na tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na kung mayroon mang kabilang na pulis sa naturang usapin ay hindi nila ito tatantanan hangga’t hindi natutunton at nakakasuhan upang panagutin.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo seryosong tututukan ito ng pambansang pulisya sa pagsabi nitong “wala tayong sasantuhin—sibilyan man, opisyal o kapwa pulis.”
Mariing pahayag ni Fajardo na walang palalampasin sa imbestigasyon sa pagkawala ng 34 na sabungero matapos ang pahayag ng isa sa mga akusado na umano’y may sangkot na mga pulis sa masadabing krimen.
Kinumpirma naman ni justice secretary Jesus Crispin 'Boying' Remulla ang pakikipag-ugnayan niya kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III bunsod ng isyu na may sangkot umanong mga pulis bukod pa sa ilang mataas na mga opisyal ng pamahalaan.
Ibinunyag ng DoJ na may sangkot umanong mga government official sa kaso ng nawawalang mga sabungero noong 2022.
Sa panayam sa telebisyon, tumangging ihayag ni Remulla kung nabanggit ba ng umaaktong whistleblower ang pangalan ng mastermind na nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Gayun man, binanggit ng kalihim na may ilang mga opisyal ng pulisya at gobyerno at maging mga pribadong indibiduwal mula Kabisyaan na sangkot sa krimen.
“May grupo iyan, kasama, pero mayroon talagang corporate set-up iyong principal na kumikilos,” punto nito sa panayam.
Sinabi rin ni Remulla na posibleng mahigit 100 ang mga sabungerong pinaghihinalaang sangkot sa dayaan ang sadyang pinatay at itinapon umano sa laws ng Taal.
Nakaantabay namang tumulong ang PNP sa Department of Justice (DOJ) upang magbigay ng seguridad sa sinumang akusadong nais maging state witness kahit wala pa silang natatanggap na pormal na kahilingan.
Maging ang Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) ay nagpahayag ng kahandaan na tumulong sa paghahanap sa nawawalang mga sabungero na sinasabing inilibing sa Taal Lake.