

HEADLINES
Mga pribilehiyo ng Embo Seniors binawi ng Makati City

1/2/24, 11:30 AM
Kinansela na ng Lungsod ng Makati ang mga pribilehiyo na tinatamasa ng senior citizens na residente ng may 10-barangay na kabilang sa Enlisted Men’s Barrios (Embo) matapos na magdesisyon ang Korte Supreme na ito ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City
Ito ang inanunsyo ng pamahalaan ng Makati na nagsabing ang Blu Card ng senior citizens na inisyu para sa mga residente ng Embo ay maaari na lamang gamitin bilang identification card o sa mga sinehan sa lungsod.
Sa kanseladong elderly program ng Makati, ang Blu Card holders na mga senior citizens ay tumatanggap mula sa lungsod ng cash incentives base sa kanilang age bracket na:
60 hanggang 69 anyos – P3,000.00
70 hanggang 79 anyos – P4,000.00
80 hanggang 89 anyos – P5,000.00
90 hanggang 99 anyos _ P10,000.00
Maliban dito, ang senior citizens ng Makati City ay tumatanggap rin ng birthday cakes, grocery items and maintenance medicines mula kay Mayor Abigail Binay.
Noong nagdaang taon, may 67,097 senior citizens ang nakinabang sa free medicine program ng Makati.
Upang maging kwalipikadong Blu Card holder, ang indibidwal ay dapat 60-anyos at pataas, botante ng lungsod at residente ng Makati.
Bago dito nagkaroon ng agawan ng teritoryo ang mga lokal na pamahalaan ng Makati at Taguuig at ito ay pinaglabanan sa korte may halos sampung taon nang nakakalipas.
Humantong ang legal issue sa Korte Suprema na nagdesisyon noong 2023 na ang pinagtatalunang financial district na Bonifacio Global City at Embo ay legal na teritoryo ng Taguig.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Ricardo Rosario noong Abril, 2023, binigyan tuldok ng Kataas-taasang Hukuman ang kaso at idineklarang Taguig nga ang may karapatan at dapat mamahala ng mga teritoryong pinag-aagawan.