

HEADLINES
Mga Pilipino galit sa pag-angkin ng China sa Palawan

3/6/25, 9:06 AM
Ni Tracy Cabrera
Maraming mga Pilipino ang nagpahayag ng galit sa pag-angkin ng China sa isla ng Palawan dahil ayon sa kanilang kasaysayan, ito raw ay unang pinuntahan ng kanilang explorer noong ika-15 siglo upang gawing bahagi ng emperyo ng mga Ming.
Ayon sa People's Alliance for Democracy and Reform (PADeR), "importante sa bawat Pilipino ang katapatan sa ating bandila at sa ating bansa" kaya may katuwiran ang galit nararamdaman laban sa China na pinipilit na maghari sa rehiyon dahil alam nilang maliit lang na bansa ang Pilipinas na Walang kakayahang sagupain ang kanilang hukbong militar.
Kinondena ng PADeR, kasama ang Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) at Liga ng Independencia sa Pilipinas (LIPI), ang patuloy na pangangamkam ng China sa mga teritoryo ng ating bansa, partikular na sa Palawan na itinuturing na bahagi ng Pilipinas batay sa pandaigdigang batas na pinapairal sa ilalim ng International Maritime Law.
Nanindigan ang tatlong grupo sa pangunguna ni Dr. Jose Antonio 'Ka Pep' Goitia ng PADeR at Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) partylist na suportado nila ang libu-libong kasapi ng kanilang organisasyon na maituturing na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas ang ginagawa ng China.
Pinunto ni Goitia na isang malaking insulto sa atin ang ginagawa ng China dahil sa kanilang hindi makatuwirang pagsalungat sa mga pinaiiral na batas sa ilalim ng International Maritime Law, katulad ng paglagay ng hindi wastong 'nine dash line assertion' sa South China Sea (SCS).
Binatikos din ng first nominee ng ABP ang pagpapakalat ng China ng maling impormasyon na maaring magdulot ng hindi pagkakaunawaan at maaaring pagsimulaan ng kaguluhan sa aspetong soberanya, kalayaan sa nabigasyon at maging sa maayos na pangangalakal ng ibat-ibang bansa.
Sinang-ayunan din ni Goitia ang naging desisyon ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLoS) na ang Palawan ay bahagi ng Pilipinas, batay na rin sa geographical location nito na sapat
na ebidensya na nagpapatunay na ang isla ay isang hindi maihihiwalay na bahagi ng arkipelago ng Pilipinas.
Maging ang mga karagatang umano'y nakapaligid sa Palawan, kasama ang kanlurang dagat ng Pilipinas, ay nakapaloob ng exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng bansa, at idagdag pa rito ang pagpapatunay ng mga historikal at ligal na pandaigdigang kasunduan, tulad ng Treaty of Paris noong 1898, Washinton Agreement noong 1900, United State's-Britain Convention noong 1930 at Declaration of Philippine Independence noong 1946, na pawang nagsasabing nasa ilalim ng soberenya ng Pilipinas ang Palawan.
Pinaalala ni Goitia ang kagandahan at kahalagahan ng Palawan sa taglay nitong likas na yamang dagat, mga reserbang langis at natural gas, na ngayo'y gustong pakinabangan ng China kaya gusto nila itong angkinin.
Nanawagan ito sa sambayabang Pilipino na magkaisa at "ipaglaban hindi lamang ang Palawan kundi maging ang karapatan nating mga Pilipino para sa integridad ng ating bansa at kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.