top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

Mary Jane Veloso patay sana kung sinunod ng Indonesia ang payo ni Duterte?

11/21/24, 5:03 AM

Totoo kayang maaaring patay na si Mary Jane Veloso kung sinunod lamang ng Indonesia ang umanoy payo ni dating Pangulo Rodrigo Duterte na sundan na lamang nito ang batas na umiiral sa bansa tungkol sa ilegal na droga?

Nangyari sana ito isang taon matapos na magtagumpay noong 2015 si Pangulo Benigno Aquino III na mapatigil ang pagbitay kay Veloso na na napatunayan ng hukuman sa Indonesia na nagtangkang magpuslit ng droga sa bansa.

Si Veloso ay pauuwiin na ng Indonesia sa PIlipinas upang dito na lang ipagpatuloy ang pagkakakulong.

Sa desisyon ng pamahalaang Indonesia, idinidiin ang paniniwalang inosente si Veloso sa mabigat na paratang sa kanya na muntik nang magdulot ng kanyang kamatayan.

Ito ay matapos na umapela ang administrasyon ng kasalukuyang Presidente Ferdinand Marcos Jr. na patawarin na si Veloso.

Ginawa ng administrasyon ni Aquino ang lahat ng legal na pamamaraan upang iligtas ang buhay ni Mary Jane sapagkat naniniwala ito na inosente ang single mother sa akusasyon sa kanya.

Hindi batid ni Veloso na may ilegal na droga na isinilid sa lining ng maletang ipinadala sa kanya noong 2010 nang lumipad siya sa Indonesia upang mamasukan bilang domestic helper.

Dahil dito, ipinahanap agad ni Pangulong Aquino ang recruiter na si Maria Kristina Sergio na siya umanong nagbigay ng maleta kay Veloso.

Sumuko si Sergio at kasama nitong si Julius Lacanilao isang araw bago bitayin si Veloso. Pareho silang kinasuhan ng illegal recruitment, human trafficking at estafa.

Matapos ang paghuli sa dalawa, agad pinakiusapan ni Aquino ang pamahalaan ni Pangulo Joko Widodo na bigyan ng witness status si Veloso na itinatalaga ng ASEAN Mutual Legal Assistance Treaty.

Nakumbinsi naman si Widodo na agad nagpatigil ng pagbitay kay Veloso noong Abril 29, 2015.

Noong Setyembre 12, 2016, inireport ng The Jakarta Post na pumayag na umano si noon Pangulo Rodrigo Duterte na ipabitay na si Veloso.

Nilinaw ni noon presidential spokesman Ernesto Abella na sa pulong ni Duterte at Widodo, ibinilin ng pangulo ng PIlipinas na sundin na lamang ng Indonesia ang sariling batas tungkol sa droga.

Kilala si Duterte sa kanyang matigas na paninidigan laban sa ilegal na droga at ito ay pinatunayan niya sa illegal drug war na sinimulan nang maluklok siya bilang Pangulo noon 2016.

Tinatayang higit sa 6,000 hinihinalang drug pusher ang namatay sa kamay ng pulisya. Marami sa mga pinatay ay inosente at ang iba naman ay mga kabataan na walang alam sa droga.

Photo from rappler.com

Comments

分享您的想法率先撰寫留言。
bottom of page