

HEADLINES
Mariel walang nilabag na batas – DOH; Makuntento sa ibinigay ng Diyos - Binay

2/24/24, 12:20 PM
Ang doctor na nagreseta ng glutathione injectable at hindi ang TV host at aktres na si Mariel Rodriguez Padilla ang mananagot sakaling may mangyaring masama sa maybahay ni Senator Robin Padilla dahil sa kemikal na nakapagpapaputi ng balat.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa nang tanungin kung may pananagutan si Mrs. Padilla dahil sa paggamit ng gamot na hindi pa nabibigyan ng lisensya ng Food and Drug Authority.
Ngunit kahit walang dapat panagutan sa batas ang aktres, hindi naman ito nangangahulugang tama ang kanyang ginawang pageendorso ng skin treatment habang siya ay nasa tanggapan ng kanyang asawa sa Senado.
Ayon kay Senator Nancy Binay ang pagbibigay ng respeto sa Senado ang nakalimutan ni Mariel nang ito ay mag-post sa Instagram ng video ng kanyang paggamit ng gluta drip.
Ipinaliwanag din ni Binay na dapat maging kontento ang mga Pilipino sa kanilang kayumangging balat at hindi dapat ito ikinahihiya.
“We should always be comfortable doon sa skin na binigay sa atin, hindi ba?” sinabi ni Binay nang makapanayam ng mga Senate rmedia.
Si Binay ay laging nagiging tampulan ng mga panunukso at pagmamaliit sa social media dahil sa kanyang balat kayumanggi.
Dahil sa kanyang ginawa, nakatanggap ng masasakit ng kritisismo sa social media si Mariel na ipinagkibit-balikat lang ng asawang senador.
Bagamat humingi ng paumanhin sa inasal ng asawa, idinikit ni Sen. Padilla ang isyu sa pulitika.
Nang lumabas ang mga batikos kay Mariel, nagpalabas din sa kanyang X account (dating Twitter) si Herbosa ng FDA advisory na nagbibigay babala sa paggamit ng glutathione sa pagpapaputi ng balat.
Ngunit naglaiwanag naman ang hepe ng DOH na wala naman nilabag na batas si Mariel at siya pa ang pwedeng magdemanda sa doctor na nag-reseta ng glutathione sakaling makaranas siya ng masamang epekto ng gamot.