

HEADLINES
Marcos suportado imbestigasyon kay Alice Guo

5/17/24, 5:58 AM
Naniniwala rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat imbestigahan si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa panayam sa media nitong Huwebes, kinuwestyon ng pangulo ang pagkakakilanlan ni Guo at kung paano ito nahalal.
"Kilala ko lahat ng mga taga-Tarlac na politiko, walang may kilala sa kanya. Kaya nagtataka kami kung saan nanggaling ito? Bakit ganito ito?" ani Marcos.
"Hindi namin malaman kaya kailangan talagang imbestigahan," dagdag niya.
Hindi rin isinasantabi ni Marcos ang posibilidad na banta sa seguridad ang foreign nationals na may kwestyonableng background.
"Palagay ko. Hindi natin malaman kaya kailangan talaga nating pag-aralan nang mabuti. Pero may possibility na ganyan," tugon niya sa media.
Tiniyak naman niya sa publiko na magbabantay nang mabuti ang pamahalaan para hindi na nakapapasok sa bansa ang mga kaduda-dudang tao.
Samantala, maglulunsad ng sariling imbestigasyon ang Office of the Solicitor General hinggil sa pagkatao ni Guo dahil sa pinagdududahang citizenship nito at posibleng koneksiyon niya sa illegal Philippine Offshore Gaming Operations o POGO sa Tarlac.
Sa Senado unang lumutang ang mga katanungan sa pagkatao ng alkalde nang hindi niya masagot ang mga tanong ukol sa mahahalagang detalye sa kanyang buhay, tulad ng lugar ng kanyang kapanganakan at home school program.