

HEADLINES
Marcos nais ng P4.5-B confidential, intel funds sa 2025 budget

7/30/24, 10:17 AM
Sa kabuuang mungkahing P6.35 trilyong pambansang budget para sa 2025,
naglaan ng P4.56 bilyong halaga ng confidential at intelligence funds ang pamahalaan para sa Office of the President (OP).
Nakasaad ang nasabing halaga batay sa isinumiteng 2025 National Expenditure Program ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara nitong Lunes, Hulyo 29.
Sa pondong ito, P2.25 billion ang confidential fund habang P2.31 billion naman ang intelligence fund para sa opisina ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ganito rin ang halagang iminungkahi ng OP para sa 2024 budget.
Ang National Expenditure Plan ay kumakatawan sa 10.1 porsiyentong pagtaas mula sa nakaraang taon at katumbas ng 22.0 porsiyento ng ating Gross Domestic Product, ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.
Samantala, ang Department of Transportation naman ang may pinakamalaking budget para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P180.9 billion. Mas mataas ito kumpara sa P73.9 billion na budget ng ahensya sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.
Malaking bahagi raw ng budget ng DOTr ang mapupunta sa pambayad-utang ng bansa sa mga imprastraktura.
Binawasan naman ang halaga ng budget para sa social services o ayuda.