top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

Marcos: Walang paninira at pamumulitika sa Bagong Pilipinas

2/5/24, 4:20 AM

Ni MJ Blancaflor

Tila may patutsada si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang mga kritiko.

Sa isang YouTube video na ipinost sa kanyang channel noong Linggo, Pebrero 4, sinabi ni Marcos na hindi pwede ang paninira at pamumulitika sa "Bagong Pilipinas," ang slogan at bisyon ng kanyang administrasyon.

"Sa isang Bagong Pilipinas, walang puwang ang mga paninira at paghahatakan-pababa," ani Marcos.

"Unahin natin ang ating bayan. Magbago na tayo dahil walang Bagong Pilipinas kung walang bagong Pilipino."

Ang kampanya raw para sa "Bagong Pilipinas" ay para sa kolektibong pagkilos tungo sa pagbabago at kaunlaran.

Sabi ni Marcos: "Ito ay panawagan para sa kolektibong kilos tungo sa pagbabago ng ating pag-iisip, pananalita at gawa. Ito ay hindi pagtakip sa kung anong kakulangan man ang mayroon."

Dagdag pa niya: "Ito ay imbitasyon sa bawat isa na kabahagi ka sa paghahanda at pagpapaganda ng ating bansa.”

Noong nakaraang linggo, isinagawa ng administrasyong Marcos ang "Bagong Pilipinas" kick-off rally sa Quirino Grandstand sa Maynila na dinaluhan ng kanyang mga tagasuporta, mga kawani ng pamahalaan, at mga artista at performer.

Sa parehong araw, nagsalita rin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang rally sa Davao City kung saan inakusahan niya si Marcos na "bangag" at "adik" sa droga.

Nanawagan naman si Davao City Mayor Baste Duterte na magbitiw ang Pangulo matapos niya itong ilarawan bilang "tamad" na pinuno.

Tila dumistansya naman si Vice President Sara Duterte sa mga birada at paratang ng kanyang ama at kapatid laban sa Pangulo. Hindi raw siya laging sumasang-ayon sa mga pananaw ng kanyang ama at mga kapatid bagamat inirerespeto niya raw ang mga ito.

Bukod dito, nagpasalamat din siya kay PBBM sa patuloy na tiwala at kumpyansa sa kanya bilang Bise Presidente at myembro ng Gabinete.

Comments

Fikirlerinizi Paylaşınİlk yorumu siz yazın.
bottom of page