

HEADLINES
Magkahalong batikos, panunuya sumalubong sa panukalang Mindanao secession ni ex-Pres. Duterte

2/1/24, 11:00 AM
Tumanggap ng magkahalong panunuya at batikos ang panukala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na bumukod na ang Mindanao sa Pilipinas sa pamamagitan ng signature campaign ng mga sumusuporta dito.
“Ikaw muna ang bumukod, sumuko ka na sa ICC,” sagot ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na nagpatungkol sa pag-iimbestiga ng International Criminal Court hinggil sa pagpatay sa higit na 12,000 katao sa madugong drug war ni Duterte.
Sa isang press conference sa Davao City noong Martes (Enero 30), ipinahayag ni Duterte na si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang unang nagtulak ng secession ng Mindanao.
“It’s not a rebellion; it’s not sedition,” diin ng dating pangulo.
Ngunit inamin ni Duterte na sinusuportahan niya ang rekomendasyon ng dating speaker ng Kamara.
Nagpaliwanag naman si Alvarez na si kasalukuyang Speaker Martin Romualdez ang dahilan kung bakit niya itinutulak ang paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
Bagamat hindi naipaliwanag ng husto ni Alvarez ang partisipasyon ni Romualdez sinabi naman ng dating pinuno ng Kamara na sa pamamagitan ng pagbubukod ng Mindanao, tiyak na hindi maabot ng ICC si Duterte.
“We will be a different country without any ties to the ICC,” paliwanag niya.
Ngunit tila wala sa mga lider ng oposisyon at administrasyon ang natutuwa sa panukala ni Duterte at Alvarez.
Tinawag ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe na ito ay isang makasariling pagkilos. Hindi siya papayag na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Tinuturing na malapit sa mga Duterte, si Senador Imee Marcos ay tutol din. Sinabi niya na nahuhuli man ang progreso sa Mindanao, hindi pa rin tama na humiwalay ito.
Si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na isang Mindanaoan ay nagmungkahi ng malalim pang pag-aaral sa panukala.
“We have to work tirelessly on making this nation function as a working, effective state,” paliwanag ni Pimentel.
Ayon naman kay Senador Francis Escudero walang pag-asa ang panukala sapagkat kailangan baguhin ang Saligang Batas at ang pagbabago ay kinakailangang suportahan ng higit nakararaming mga Pilipino.
Sa isang pahayag sa media, sinabi Brosas na hindi tama ang ginagawa ni Duterte na idamay ang bansa sa kinakaharap nitong kaso sa ICC.
Ayon sa kanya ang panukalang humiwalay ang Mindanao ay isang dibersyon lamang ni Duterte sa higit na mahalagang isyu ukol sa imbestigasyon ng ICC.
"Ang mensahe ko kay former President Duterte, siya na muna ang bumukod sa Pilipinas. Sumuko na siya sa ICC at tigilan na niya ang mga pakulo niya para iwasan ang mga pananagutan niya sa taumbayan, lalo na sa mga biktima ng extra-judicial killings," sinabi ni Brosas.