

HEADLINES
Imee laglag na sa administrasyon party
%20(9).jpeg)
4/22/25, 11:09 AM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Tuluyan nang nilaglag ng partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang kapatid ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. (PBBM) na si senadora Maria Imelda Josefa Remedios 'Imee' Marcos-Manotoc sa senatorial slate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ng administrasyon.
Sa national assembly ng nasabing partido kahapon, inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na siya ring pangulo ng admin party, ang kanilang mga kapartido na siguraduhin ang panalo ng 11 senatorial candidate ni Pangulongmarcos Jr.
“Please lang, please . . . straight Alyansa (tayo). Diinan natin lahat sila, walang iwanan dito. Ito ang gusto ng ating Mahal na Pangulo. They are our true partners. Subuk-na-subok sila,” ani Romualdez sa pagpupulong ng mga miyembro ng kanilang partido.
Hindi na inisa-isa ni Romualdez ang mga pangalan ng mga senatorial candidate subalit sa isang statement, hindi na kasama dito ang pangalan ng nakatatandang kapatid na babae ni PBBM.
Ang senador ay hindi na dumalo sa mga political rally ng Alyansa mula nang isuko ng kanyang kapatid na si Marcos Jr., sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo 'Rody' Duterte.
Kasunod nito ay inendorso ni Vice Presidente 'Inday' Sara Duterte-Carpio si Sen. Imee na kung saan naglabas ang mga ito ng political ads na pinamagatang 'Itim ang Pilipinas sa Pamumuno ni Marcos Jr.'
“Let them throw mud—we will build roads, schools, hospitals and jobs. Let them play politics—we will serve. The people will see through the noise and choose results,” mensahe ni Romualdez sa kanilang mga kapartido.
Gayunpaman, kailangang magsikap umano ang mga miyembro ng Lakas-CMD para matiyak ang panalo ng 11 senatorial candidate ng Alyansa dahil kinabukasan umano ng bansa ang nakataya dito.
“We are choosing leaders who build, not break. Leaders who legislate, not obstruct. Leaders who offer solutions, not slogans,” punto pa ng House Speaker.
Ang Alyansa ay binubuo ng Partido Ferderal ng Pilipinas (PFP), Nationalista Party (NP), Nationalist Peoples Coalition (NPC), National Unity Party (NUP) at Lakas-CMD.