

HEADLINES
Ilang klase sa VisMin, sinuspinde dahil sa sobrang init

4/2/24, 3:50 AM
Ni MJ Blancaflor
Sinuspinde ang klase sa ilang eskuwelahan sa Visayas at Mindanao noong Lunes, Abril 1, dahil sa matinding init ng panahon.
Partikular sa mga nagdeklara ng class suspension ang ilang paaralan sa Iloilo City, Negros Occidental, Capiz, at South Cotabato.
Bago nito, inihayag ng Department of Education (DepEd) na maaaring magsuspinde ang mga paaralan ng face-to-face classes kung sa pagtataya nila ay magdudulot ito ng panganib sa mga mag-aaral.
"Since they are the school managers, meron silang ganoong authority na naibigay sa kanila at ine-expect natin that they will exercise very wise discretion when it comes to suspension of classes, including ‘yung pagbibigay ng mga intervention activities for lost hours," ani DepEd Assistant Secretary Francis Bringas sa isang panayam ng GMA-7.
Nagbabala sa publiko ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (PAGASA) na ilang lugar sa bansa ang maaring magtala ng "dangerous heat indices" o heat index na higit sa 42°C hanggang 51°C na maaaring makasama sa kalusugan.
Ayon sa mga eksperto, ang sobrang init ay nagdudulot ng heat cramps, heat exhaustion, maski pa heat stroke na mapanganib sa buhay ng tao.
Inaasahan na magtatagal ang El Niño phenomenon hanggang sa darating na Mayo.