

HEADLINES
Himala sa Davao de Oro: Bata buhay 60 oras matapos matabunan sa landslide

2/9/24, 8:10 AM
Ni MJ Blancaflor
Himalang nakaligtas ang isang bata halos tatlong araw matapos ma-trap sa landslide sa Maco, Davao de Oro.
Natagpuan siya ng mga rescuer habang pinaghahanap pa ang 110 katao na hindi pa rin natutunton sa ngayon matapos ang pagguho ng bahagi ng isang bundok noong Martes ng gabi.
Sa pinakahuling tala ng lokal na pamahalaan, 11 katao na ang naiulat na namatay habang 31 katao ang sugatan dahil sa insidente. Hindi pa binanggit ang pangalan at edad ng nailigtas na batang babae. Siya ay nakita ng mga rescuers na gumamit lamang ng kanilang mga kamay upang hukayin ang lugar kung saan siya na-trap.
Itinuring ng marami na himala ang nangyaring pagkakaligtas sa buhay ng bata. Ngunit bukod dito, nagbigay ang kanyang pagkakatagpo ng pag-asang maililigtas din ang marami pang mga natabunan ng gumuhong lupa.
Kasama sa mga natabunan ang dalawang bus na susundo sana sa mga tauhan ng Apex Mining company na nagsasagawa ng mining operations sa lalawigan.
Pinamamadali na ng lokal na pamahalaan ang rescue efforts sa pag-asang mailigtas pa ang ilang na-trap sa gumuhong lupa.
Katuwang na rin ang mga pulis at sundalo sa pagre-rescue.
Mula raw 2007, idineklara ng landslide-prone area ang nasabing lugar, pero naroroon daw ang kabuhayan ng mga residente.
Ang landslide ay dulot ng ilang araw na pag-ulan sa lugar.
Kinailangang i-evacuate ang mga residente ng lugar dahil dito.