

HEADLINES
Escudero: 98 o 99 porsiyento nang buwag ang UniTeam

1/29/24, 10:00 AM
Ni MJ Blancaflor
Kapwa bumanat sina dating Pangulong Duterte at anak niyang si Davao City Mayor Baste Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Linggo sa gitna ng kontrobersya sa diumano'y suhulan para makuha ang suporta ng publiko sa pag-aamyenda ng Saligang Batas.
Nagtulong din sina Marcos at ang kanyang pinsan na si Speaker Martin Romualdez upang ibalik ang banat ng mag-ama.
Dahil sa mainit na palitan ng salita, naniniwala si Senator Francis Escudero na buwag na ng 98 o 99 porsiyento as UniTeam na itinayo nina Marcos at Bise President Sara Duterte noong mag-tandem sila sa 2022 national elections.
Ayon sa beteranong mambabatas bagamat’ hindi nagsalita si VP Sara sa anti-People’s Initiative rally sa Davao City, sapat na ang kanyang padalo sa okasyon upang ipaalam kung sino ang kanyang kinakampihan.
Ang pangalawang pangulo ay naroon nang magbato ng maaanghang na salita ang kanyang ama at kapatid laban kay Marcos.
Sa nasabing pagtitipon sinabi ni dating Pangulong Duterte na na "bangag" ang pangulo at saka nagbabala na maaari nitong sapitin ang kapalaran ng kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
"Nung ako mayor, pinakitaan ako ng evidence ng PDEA. Doon sa listahan, nandoon yung pangalan mo," ani dating Pangulong Duterte.
"Ayaw kong sabihin 'yan kasi magkaibigan tayo. Kung 'di man magkaibigan, magkakilala. Eh ikaw eh, pumapasok kayo nang alanganin. Mr. President, baka susunod ka sa dinaanan ng tatay mo [Marcos Sr]. Diyan ako takot. Ayaw ko mangyari sa iyo 'yan. Ako lang nagmamakaawa kasi it will divide the nation at madugo itong panahong ito," dagdag niya.
"Si Bongbong, bangag iyan. That’s why sinasabi ko na sa inyo ngayon, si Bongbong Marcos bangag noon, ngayong presidente na, bangag ang ating presidente. Kayong mga military, alam ninyo 'yan. Lalo na 'yung nasa Malacañang. Alam ninyo. The Armed Forces of the Philippines, alam ninyo. May drug addict tayo na presidente," patuloy ng dating pangulo.
Napatalsik sa kapangyarihan si Marcos Sr., sa People Power revolution noong 1986 matapos ang mahigit 20 taon sa Palasyo.
Matatandaang sa kanyang panunungkulan, partikular noong 1971, nagkaroon ng Constitutional Convention upang baguhin ang 1935 Constitution ng bansa at magbigay-daan sa pagbabalangkas ng bagong Saligang Batas.
Binitawan ng dating Pangulong Duterte ang mga nasabing akusasyon at maaanghang na salita kasunod ng pagkontra niya sa Charter Change na aniya'y itinutulak lang para magtagal sa kapangyarihan ang administrasyon.
Binigyang-diin din ng dating lider ng bansa na walang problema sa kasalukuyang Saligang Batas.
"Ang batas na binigay ng Constitution sa Congress, sa lawmakers, they can make notes everyday, modify, change it if you want. Every week. OK lang 'yan. Huwag niyo pakialaman ang Constitution kasi yun ang bahay opisyal ng Pilipino...anak ka ng...bakit pumasok sa utak ninyo 'yang people’s initiative?" sabi niya.
"Anong nakain ninyo? There’s nothing wrong with the Constitution right now," pahayag niya.
Pinagbintangan din ng dating Pangulo sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez na nasa likod ng PI para diumano ibalik ang parliamentary system ng gobyerno.
"Huwag kayo magpaloko. Alam mo, parliament, ang bisyo niyan, karamihan galing kay Liza Marcos, pati kay Romualdez," sabi niya.
Magbitiw na
Sa hiwalay na talumpati noong Linggo, hinamon ni Mayor Baste si Marcos na magbitiw kung wala na itong pagmamahal sa bansa at tinawag pa itong tamad.
“Mr. President, if you do not have love or have no aspirations for your country, resign,” ani Baste.
“You are lazy and you lack compassion," dagdag niya.
Ang kawalan daw ng malasakit ng pangulo, ayon sa alkalde, ay nagpapahirap sa taumbayan.
"He is putting politics first, their self-preservation of their political lives. They are not doing their jobs first," sabi pa niya.
Inakusahan din niya na pananatili nang matagal sa kapangyarihan ang motibo sa likod ng PI.