

HEADLINES
El Niño di magdudulot ng krisis —task force
.jpg)
2/17/24, 4:30 AM
Ni MJ Blancaflor
Kumpyansa ang pamahalaan na hindi magdudulot ng krisis sa tubig at pagkain ang El Niño na nararanasan ng bansa ngayon subalit nakahanda ang contingency plan nito kung sakaling tumagal ang phenomenong ito.
Tiniyak ni El Niño Task Force spokesperson Joey Villarama na umuusad na ang mga hakbang ng pamahalaan tulad ng water projects para masigurong sapat ang antas ng tubig at pagkain sa bansa hanggang Mayo.
"Sa Metro Manila, may ongoing construction ng deep wells. Mako-complete na sila, I believe at least 30. So back up 'yan, yang mga deep well na 'yan, as alternative sources of water," ani Villarama, na assistant secretary din ng Presidential Communications Office.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga eksperto upang maghanap ng mga alternatibong mapagkukunan ng tubig.
Nasa bansa raw ngayon ang mga kinatawan ng Israeli water treatment company na IDE Technologies upang ibahagi kung paano nila nire-recycle at tinatanggalin ng asin ang tubig mula sa dagat.
Sa ngayon, may ilang magsasaka na ang umaangal dahil apektado na raw ng mainit na panahon ang kanilang mga pananim.
Sabi ni Villarama, sinisiguro raw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kasya ang rice stock ng bansa hanggang ikatlong bahagi ng taon.
Inaasahang magpi-peak ang El Niño sa buwan ng Mayo at maaaring pumalo sa 40 degrees Celsius ang temperatura sa bansa, ayon na rin sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Sa Metro Manila, maaari raw umakyat sa 37 to 38 degrees Celsius ang temperatura.
Pinag-iingat ng eksperto ang publiko sa mga sakit na maaaring idulot ng mainit na panahon tulad ng heat stroke.