

HEADLINES
Duterte kay Marcos: Magtrabaho ka, walang may gustong tanggalin ka
.jpg)
7/1/24, 5:05 AM
Dapat umanong magpokus sa pagtatrabaho si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil wala naman itong dapat ipag-alala na may magpapatalsik sa kanya sa pwesto, ayon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang press conference sa Tacloban, Leyte nitong Linggo, tinawag ni Duterte na "aksaya sa oras" ang planong pagpapatalsik sa Punong Ehekutibo.
"We’re paying you. Magtrabaho ka. Do not worry. Nobody is interested, or are, na tanggalin ka. It’s a waste of time," anang dating pangulo.
Ang mga pahayag niya ay matapos magbitiw sa gabinete ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte noong Hunyo 19 — na tinawag ng iba na "open war" sa pagitan ng mga Marcos at Duterte.
Noong nakaraang buwan, lumabas din ang mga espekulasyon na may mga retirado at aktibong opisyal ng pulisya na nagbabalak na pabagsakin ang administrasyon ni Marcos at patalsikin ang pangulo.
Pinabulaanan naman ito ng Philippine National Police.
Sinabi naman ng dating pangulo na hindi siya kinonsulta ng kanyang anak ukol sa pagbibitiw nito bilang kalihim ng Department of Education at vice chairperson ng NTF-ELCAC.
Minaliit din niya ang pahayag ni VP Sara na tatakbo siya sa pagkasenador sa 2025 midterm elections.
Aniya, ipapaubaya na lamang niya sa Maykapal ang kanyang kapalaran sa darating na halalan.