

HEADLINES
DSWD naglunsad ng mas malawak, inklusibong food stamp program
-1.jpeg)
6/2/25, 6:30 AM
Ni Tracy Cabrera
TONDO, Manila — Sa layunin mapalawak at mas inklusibong paraan ng pamamahagi ng nutritional aid sa mga marginalized sector, naglunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pinaigting na food stamp program na titiyak na makakaabot ito sa mahihirap na pamilya na nasa crisis situation.
Sa pagdalaw sa food redemption area sa Tondo, Maynila kamakailan, hinayag ni social welfare secretary Rexlon 'Rex' Gatchalian na tataasan ng DSWD ang bilang ng mga pamilyang mapapasama sa food stamp program.
Pinakita sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na naging matagumpay ang programa sa pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan kaya ito ang nagbunsod sa DSWD na paigtingin ito upang mas maraming mga Pilipino ang matulungan.
Inanunsyo ni Gatchalian na sa third at fourth quarter ng taon, 300,000 pa ang idaragdag sa kasalukuyang bilang ng mahihirap na pamilya na nakikinabang sa programa at sa susunod na taon ay 150,000 pa ang mapapabilang dito para makumpleto ang 750,000 target na bilang ng mga benepisaryo.