

HEADLINES
Dominic Roque nagsampa na rin ng cyber libel case vs Cristy Fermin

5/31/24, 11:56 AM
Sinampahan na rin ng aktor na si Dominic Roque ng kasong cyber libel si Cristy Fermin dahil sa umano’y mga malisyosong pahayag at parinig ng popular na showbiz columnist at host sa kanyang online show.
Ang pagdemanda ng dating kasintahan ng aktres na si Bea Alonza kay Fermin ay ibinalita ni GMA showbiz reporter Nelson Canlas sa kanyang Instagram noong Biyernes (Mayo 31).
Ito na ang ikatlong cyber libel case na isinampa laban kay Fermin ngayong buwan ng Mayo. Iba’t-iba ang mga sanhi ng pagdemanda sa kanya bagamat pare-pareho ang habla sa kanya.
Ayon kay Canlas ang asunto ay isinampa ni Roque sa IOffice of the City Prosecutor ng Pasig City.
“Ang ilang malicious statements and innuendos na sinabi ni Fermin sa kanyang You Tube channel sa ‘Showbiz Now Na’ ang naging basehan ng aktor para magsampa ng kaso” sabi ni Canlas.
Humarap si Dominic sa piskalya ng Pasig City upang sumpaan ang kanyang affidavit-complaint laban kay Fermin.
Bibigyan si Fermin ng piskalya ng pagkakataon upang sagutin ang paratang ng aktor bago ito magdesisyon kung itutuloy sa korte o ibabasura ang kaso.
Kamakailan laman, inasunto rin ni Bea si Fermin ng cyber libel case dahil umano sa mga ipinakakalat ng respondent na balita tungkol sa mga dahilan ng desisyon nila ni Dominic na hindi na ituloy ang kaniilang napabalitang kasal at paghihiwalay bilang magkasintahan.
Kasama rin sa kinasuhan ni Alonzo si Ogie Diaz, isa ring sikat na showbiz colunist at host.
Noong Mayo 10 ipinagharap din ng cyber libel complaint ng mag-asawang Sharon Cuneta at dating Sen. Francis “Kiko” Pangilinan si Fermin.