

HEADLINES
Digong PDP chair pa rin, inindorso sina Philip Salvador, 3 pa senatorial bets

4/21/24, 7:30 AM
Mananatiling chairman ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inanunsyo ni Duterte sa ika 42-anibersaryo ng partido sa Cebu City noong Biyernes kung saan nagkaroon din sila ng botohan para alisin na rin ang pangalang Lakas ng Bayan (Laban).
Sa nasabing pagtitipon, inendorso rin ng partido sina reelectionists Senador Christopher "Bong" Go, Ronald "Bato" Dela Rosa, at Francis Tolentino para sa 2025 midterm elections.
Inendorso rin ng partido ang senatorial candidacy ng aktor na si Philip Salvador.
Kasama rin sa pagtitipon sina PDP President at Palawan Rep. Jose Chavez Alvarez, PDP Vice Chairman Alfonso Cusi, Senador at PDP Executive Vice President Robin Padilla, Cebu City Mayor at PDP VP for Visayas na si Mike Rama, at iba pang lokal na opisyal.
Itinatag ang partido bilang PDP sa Cebu noong 1982. Tinawag itong PDP-Laban noong 1983 matapos itong makipag-alyansa sa partidong Lakas ng Bayan na pinangunahan ni dating Senator Benigno "Ninoy" Aquino Jr.