

HEADLINES
Death toll sa 7.5 lindol sa Japan umabot na sa 62

1/3/24, 3:37 AM
Umabot sa 62 katao na ang naitalang nasawi matapos ang 7.5 magnitude na lindol sa Japan nitong Lunes at patuloy pa ring pinaghahanap ang mga nawawala pa.
Kasama sa mga nasawi ang isang senior citizen na natabunan ng debris.
Lima katao rin ang naiulat na namatay sa Tokyo Haneda airport kahapon matapos sumalpok ang isang jet ng Japan Airlines sa isang coast guard plane na maghahatid sana ng relief supplies sa mga apektadong lugar.
Sinuspinde muna ng Philippine Airlines ang mga flights nito papuntang Haneda airport dahil sa insidente.
Sa pinakahuling ulat ng Japanese public broadcaster NHK nitong Miyerkules ng umaga, nag-deploy na ng land, aerial, at marine assets ang Japanese government para sa search, relief, at rescue operations partikular sa Noto Peninsula sa central prefecture ng Ishikawa na matinding niyanig ng lindol sa mismong New Year pa man din.
Nagdulot ito ng mga sunog, tsunami alert, at matitinding pinsala sa mga gusali at kalsada.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng ating embahada sa mga awtoridad sa Japan upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino roon.
Nasa maayos naman na kalagayan ang Filipino community sa Japan at wala pang naiulat na nasawi o nasaktan sa kanila, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Nauna nang nagpahatid ng pakikiramay at pakikisimpatya si Pangulong Bongbong Marcos sa pamahalaan ng Japan at sinigurong handang makipagtulungan ang Pilipinas para sa recovery efforts nito.
"In the face of shared climate challenges within the Pacific Ring of Fire, we stand united with Japan and stay ready to provide support from the Philippines," ayon sa Pangulo. #