

HEADLINES
Deadline ng PUV consolidation inurong hanggang Abril 30

1/24/24, 2:40 PM
Pinalawig pa ng tatlong buwan ng pamahalaang Marcos ang deadline para sa konsolidasyon ng public utility vehicles (PUV) na matatapos na sana pagpasok ng buwan ng Pebrero.
Muling pinagbigyan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga tsuper at operator ng mga PUV, karamihan mga jeepney, na makapag-pasada at sumali sa konsolidasyon matapos na matanggap niya ang rekomendasyon ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ang desisyon ng punong ehekutibo ay ipinaalam sa Palace media ng Presidential Communications Office kahapon, Miyerkules (Enero 24).
“The extension is to give an opportunity to those who expressed intention to consolidate but did not make the previous cut-off,” paliwanag ng PCO sa isang press statement.
Ang bagong palugit ay itinakda hanggang Abril 30, 2024.
Una dito, nag-pasa ang House Committee on Transportation ng resolusyong nakikiusap kay Marcos na bigyang muli ng konsiderasyon ang posisyon ng mga tsuper at operator upang makasali sa konsolidasyon at patuloy na makapamasada.
Nagbigay ng reaksyon ang Makabayan bloc ng Kongreso na patuloy na tumutuligsa sa consolidation program ng pamahalaan.
“Bagamat makakabiyahe pa nang tatlong buwan ang mga maralitang tsuper at operator, dapat kilalanin ni Marcos Jr. na kailangan pa rin nila ng kabuhayan pagkalipas ng tatlong buwan,” pahayag ng oposisyong bloke ng Kamara.
Patuloy ng Makabayan: “ Ayaw ng mga maralitang tsuper at operator na isuko ang kanilang mga prangkisa dahil iskema ang mandatory franchise consolidation para kontroling ng mga korporasyon ang mga prankisa at ruta sa public transport.”
Ang tatlong buwang palugit ay ang ikalawang extension ng deadline na ibinigay ng pamahalaan sa lahat ng hindi pa nakapag-consolidate.
Tuwing darating ang takdang palugit na naibigay ng pamahalaan, idinadaan ng mga apektadong tsuper at operators ang kanilag protest sa malawakang transport strike na nagdudulot ng malaking pinsala sa ekonomya, edukasyon at marami pang aspeto ng pamumuhay.
Hindi tanggap ng mga nagpo-protesta ang pilit na ipinatutupad ng pamahalaan na modernisasyon ng industriya ng pampublikong transportasyon.