

HEADLINES
Dapat sertipikahan ni PBBM ang P200 wage hike para tumaas ang kanyang rating
%20(7).jpeg)
4/21/25, 10:02 AM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Kailangang sertipikahan na bilang urgent bill ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. (PBBM) ang ₱200 legislative wage hike kung nais niyang tumaas ang kanyang approval at trust rating sa mamamayang Pilipino.
Ito ang iginiit ng grupo ni House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza matapos bumagdak ng 25 porsyento ang approval at trust rating ni Marcos Jr. habang mahigit 50 porsyento na rin umano ang dismayado sa pamamalakad nito sa pamahalaan.
“This is a sobering signal and a wake-up call that the direction of this administration is falling far short of our people's expectations,” wika ng grupo ni Mendoza kaya dapat umanong bumawi ang pangulo at magagawa lamang niya ito sa pamamagitan ng pagsertipika sa panukalang dagdag-sahod ng mga manggagawa.
Ipinaliwanag ni Mendoza na hindi nakakapagtataka na bumaba ang approval at trust rating ng Pangulo dahil milyun-milyong pamilyang Pilipino ang patuloy pa ring nagdurusa sa napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin na sanhi ng malawak ang gutom at kahirapan at gayun din ang kawalan ng oportunidad na kumita o magkaroon ng hanapbuhay.
Sa gitna nito, patuloy naman aniyang mababa ang sahod ng mga manggagawa kaya kailangan nang sertipikahan bilang urgent bill ang nasabing panukalang wage hike na naipasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representante nitong nakaraang buwan ng Pebrero.
“We trust that the President will rise to the occasion and immediately certify the ₱200 legislated wage hike, especially in time for Labor Day after the limits of piecemeal stop-gap social welfare interventions and over-reliance on obsolete regional boards have been starkly exposed,” ani Mendoza.
Batay sa nasabing panukala, lahat ng manggagawa sa buong bansa ay madaragdagan ng ₱200 sa kanilang arawang sahod subalit nangangamba ang mambabatas na madidiskaril ito kapag hindi ito sinertipikahan ni Marcos Jr.
"Pagod na ang taongbayan sa kahihiling na dagdagan ang kanilang suweldo na hindi pinapansin ng Malakanyan kaya hindi nakakapagtataka na bumababa ang trust at approval rating ng pangulo sa pinakahuling survey ng Pulse Asia," punto ng House Deputy Speaker.
Sa huli, hinayag niya na wala rin aniyang aasahan ganitong umento ang mga manggagawa kapag ipinaubaya ang kapalaran nila sa mga regional wage board kaya tanging ang sertipikasyon lamang ng punong ehekutibo ang pag-asa upang hindi tuluyang madismaya ang sambayanan sa Pangulo.