

HEADLINES
Dapat kalusin ang mga traydor sa gobyerno — Adiong
%20(3).jpeg)
3/24/25, 2:08 PM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Walang puwang sa mga traydor sa ating lipunan, lalo na sa ating pamahalaan, mariing pahayag ni Lanao del Sur District I representative Ziaur-Rahman 'Zia' Alonto Adiong kasunod ng psgsampa ng kaso laban sa apat na kawani ng Civil Registrar’s Office ng Davao City.
“Ang mga opisyal na nagpaparami ng dayuhang may pekeng papeles ay hindi dapat manilbihan sa pamahalaan. Kung tapat ka sa bayan, hindi mo ito ipagkakanulo kapalit ng pera,” tinukoy ni Adiong.
Kinasuhan ang apat na empleyado ng Davao City Civil Registrar’s Office na sangkot umano sa pagbibigay ng Philippine birth certificate sa ilang mga Chinese national kapalit ng suhol na pera.
Iginiit din ng mambabatas na maging sa ibang registrar office ay dapat suyurin ng mga awtoridad at kasuhan ang mga tauhan na nagbibigay ng mga saliwang dokumentong para maging instant Pinoy ang mga dayuhan, partikular na ang mga Intsik na ang karamihan ay nakapasok sa bansa at naging mga Filipino citizen sa panahon ng nakaraang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“While this is a good first step, we must not stop with just one office. This kind of syndicate work could not have thrived without a broader network. We should look for similar operations in other parts of the country, especially during the Duterte administration when Chinese influence grew unchecked,” punto nito.
Ayon pa kay Adiong, mismong ang National Bureau of Investigation (NBI) na umano ang nagsampa ng kasong falsification of public document at cybercrime sa apat na empleyado ng Davao City Registrar’s Office matapos matuklasan na maraming Chinese national ang nabigyan ng mga ito ng birth certificate kahit hindi sila ipinanganak sa Pilipinas.
Ang nasabing dokumento ay ginamit ng mga dayuhan para magkaroon sila ng Philippine passport at driver's license at nagawa ding magnegosyo at iba pang aktibidad habang ang masaklap ay posibleng ginamit din nila ito sa mga criminal activity bukod sa pag-eespiya sa bansa.
“Any Filipino who helps a foreign national—especially someone from a country aggressively encroaching on our territory—commit fraud should be ashamed of themselves. This isn’t just a case of corruption. This is treasonous behavior,” hinayag ng kinatawan ng Unang Distrito ng Lanao del Sur.
Lalong kailangang aniyang turuan ng leksyon ang mga ganitong opisyal dahil kabilang sila sa nagpapalala sa problema ng ating soberenya dahil lamang sa salaping natatanggap nila mula sa tinaguriang 'Team China'.
“Lahat ng Pilipinong sangkot sa ganitong modus ay dapat kasuhan. Hindi natin puwedeng palampasin ito. Walang puwang sa gobyerno ang mga traydor,” konklusyon ni Adiong.