

HEADLINES
Dalawang senior citizen pinaslang sa Cagayan; onsehan sa negosyo sinisilip bilang motibo

7/17/24, 7:36 AM
Malaki ang pag-asang makilala at mahuli ng pulisya ang pumaslang sa dalawang senior citizens na sakay ng isang SUV sa liblib na lugar ng Sitio Padungsol, Barangay Basao, Gattaran, Cagayan noong Martes (Hulyo 16).
Sa panayam ng mga reporters kay Police Major Gary Macadangdang, hepe ng PNP-Gattaran, napag-alaman na mayroo nang sinusundang lead ang mga imbestigador tungkol sa pagpatay kina Zenaida Peneyra, 68 ng Centro 4, Aparri at ni Juanito De la Cruz, 63, ng Punta, Aparri.
Natagpuan ang mga bangkay ng dalawang biktima sa Sitio Padungsol na pawang may mga tama ng bala ng baril. Natagpuan sa crime scene ang mga basyo ng bala mula sa .45 kalibreng pistola.
Inaalam pa ng mga pulisya ang motibo ng pagpaslang ngunit naniniwala sila na ito ay may kinalaman sa negosyo ni Peneyra na buy and sell ng lupa at mga alahas.
Tinitingnan din ang anggulong robbery dahil sa nawawala umano ang handbag ni Peneyra at ang cellular phone ni Peneyra.
Dalawang Agta ang nag-report sa isang miyembro ng Marine Landing Battalion Landing Team 10 na galing sa Baggao tungkol sa nadaanan nilang duguang katawan ni De la Cruz na nakita sa loob ng isang pulang sasakyan na nakahinto sa tabi ng creek sa Barangay Basao.
Ang insidente ay inireport naman ng Marine sa pulisya na agad nagpadala ng mga imbestigador sa lugar nang pinangyarihan.
Nadatnan nila mga labi ni De la Cruz sa loob ng sasakyan. Natagpuan naman ang katawan ni Peneyra sa di kalayuang giliran ng creek.
Parehong nagtamo ng tig-dalawang tama ng bala ang katawan ng mga biktima.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na binaril si De la Cruz habang nakaupo sa driver’s seat.
Si Peneyra naman ay nasa passenger seat sa likod nang barilin. Nakatakbo ito ngunit bumagsak din dahil sa tama ng bala.