

HEADLINES
China winawasak ang Bajo de Masinloc para itaboy ang mga Pinoy —BFAR

2/18/24, 11:00 AM
Ni MJ Blancaflor
Gumagamit ng nakalalasong kemikal ang mga mangingisdang Chinese para mawasak ang mga lamang-dagat sa Bajo de Masinloc, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ibinunyag ni BFAR spokesperson Nazario C. Briguera noong Sabado na aabot na raw sa bilyon-bilyong piso ang halaga ng mga nawasak na koral dahil sa mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
"According to the statement of our Filipino fishers, these Chinese [fishers] actually intentionally destroy Bajo de Masinloc to prevent Filipino fishing boats to fish in the area," sabi ng opisyal.
Kasama rin sa mga gumagamit ng cyanide ay Vietnamese fishers, dagdag niya.
Iginiit ni Briguera na ang paggamit ng cyanide ay pumipinsala sa dagat, hindi lamang sa teritoryo ng Pilipinas, kundi pati na rin ng ibang mga bansa.
"Magkakarugtong po ang ating karagatan. Hindi ibig sabihin po niyan na [kapag] may pagkasira sa Bajo de Masinloc ay walang epekto iyan sa ibang bahagi ng ating karagatan," paliwanag niya.
Nauna nang sinabi ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) na magdaragdag sila ng floating assets at monitoring equipment na gagamitin sa West Philippine Sea upang samahan ang mga mangingisda sa paglaot sa dagat upang hindi sila takutin ng mga dayuhan.
Kailangan din daw ito upang ma-monitor ang mga gumagawa ng ilegal, unregulated at unreported fishing activities sa West Philippine Sea.
Sa ngayon, ipinauubaya na ng BFAR at PCG sa Department of Justice ang desisyon kung magsasampa ng reklamo laban sa China dahil sa paninira nito sa Bajo de Masinloc.