

HEADLINES
Chi Atienza, Bong Alvarez, Mocha Uson, atbp. bagong kapartido ni Isko

9/9/24, 6:44 AM
Habang umuugong ang posibilidad nang muling pagkandidato ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa pagkaalkalde ng Maynila, ilang personalidad ang nanumpa bilang bagong myembro ng partido niyang Aksyon Demokratiko.
Kabilang sa mga ito ang dating broadcaster at aktres na si Chi Atienza, anak ni dating Manila Mayor Lito Atienza, na ayon na rin sa press release ng Aksyon Demokratiko ay kakandidato sa pagka-vice mayor.
Nanumpa rin bilang Aksyon Demokratiko members si former PBA player Paul "Bong" Alvarez, singer-social media personality Mocha Uson, at anak ni Isko na si Joaquin Domagoso.
Kaalyado na rin ni Isko sina dating Congressman Carlo Lopez ng District 2 at dating Congressman Amado Bagatsing ng District 5.
Labing-apat na incumbent councilors ang kasama ding nanumpa tulad ng aktor na si Lou Veloso, Joey Uy, at Joel "JTV" Villanueva.
Ang oath-taking ceremony ng mga bago nilang myembro ay ginanap Linggo ng gabi sa Sheraton Hotel Manila kasama si Aksyon Chairperson Ernest Ramel Jr.
Bagaman wala pang pormal na anunsyo si Isko sa plano niya sa 2025 ay nauna nang nagpalabas ng pahayag si Manila Mayor Honey Lacuna na binibigyan niya ng oras ang dating alkalde na pag-isipan ang umano'y pagkandidato nito.
Noong 2019, naging magkaalyado ang dalawa nang kumandidato si Isko sa pagka-mayor habang si Lacuna naman ang tumakbong vice mayor.
Nang inanunsyo ni Isko ang kanyang presidential candidacy noong 2022, inendorso niya si Lacuna sa pagka-mayor ng Maynila.
Inanunsyo na ni Lacuna ang kanyang reelection bid sa 2025 kasama si Manila Vice Mayor Yul Servo na kanyang running mate.