

HEADLINES
BBM tinanggihan ang “hair follicle test challenge” ni ex-Secretary Rodriguez

2/1/25, 8:03 AM
Ni Samantha Faith Flores
Tinanggihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado (Pebrero 1) ang hamon ni dating executive secretary Victor Rodriguez na magpa-hair follicle drug test ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaan.
“No, Why should I do that? What is he saying public trust, public office. Public office has nothing to do with the follicle test,” tugon ni Marcos nang tanungin ng mga reporters ng kanyang sagot sa suhestiyon ng dating malapit na political adviser.
Si Rodriguez na namahala ng kampanya ni Marcos noong 2022 presidential elections at itinalaga ng pangulo na maging punong kalihim ng kanyang Gabinete matapos magwagi.
Kumakandidato bilang senador, si Rodriguez ay nagbitaw ng paghamon sa lahat ng mga nasa mataas na katungkulan sa pamahalaan na sumailalim sila sa “isang open, transparent and credible hair follicle drug test”.
Sa debate sa GMA-7 broadcast network, idiniin ng dating Malacañang official ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga opisyal sa pamahalaan na hindi nasasangkot sa paggamit ng ilegal na droga.
“Ang usaping droga ay hindi lamang bangayan ng nagbabanggan pamilya sa pulitika. Ito ay tunay na nangyayari at nagaganap sa ating bansa,” paliwanag niya.
“Kaya ako ay naninindigan na dapat sumailalim na ang lahat ng opisyal ng pamahalaan at simulan natin sa tanggapan ng pangulo,” sinabi ni Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez nasa interes ng bawat Pilipino na dapat malinis sa paggamit ng pinagbabawal na gamot ang mga nagsisilbi sa pamahalaan.
Hamon niya: “Sumailalim na sa isang open and transparent and credible hair follicle drug test ang lahat (ng opisyal)”.
Binalikan ni Marcos si Rodriguez nang sabihin ng presidente na hindi naman dapat nagtrabaho ang dating kalihim sa Palasyo kung naniwala ito na gumagamit siya ng droga.
“Wala namang koneksyon ‘yong sinasabi niya. He has always had that weakness when he was still working for me. If you believe in what he was saying, why did he work for me?” paliwanag ni Marcos.