

HEADLINES
Balong octogenarian, kasambahay patay sa saksak sa Cabuyao City

10/14/24, 2:25 AM
Natagpuang patay sa pananaksak ang isang 84-anyos na biyuda at ang kanyang kasambahay sa Cabuyao City, Laguna, ayon sa report na inilabas ng pulisya kahapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Pascualita Caunin at si Rhealyn Roqueno, 18, pawang nakatira sa Barangay Niugan sa nasabing siyudad.
Natagpuan ang mga bangkay ng biktima sa loob ng kanilang tahanan noong Sabado (Oktubre 12).
Ayon sa mga imbestigador ang krimen ay nadiskubre ni Estrelita, kapatid ni Pacqualita, nang makita niya sa closed circuit television camera (CCTV) na may nakahandusay ng dalawang babae sa bahay ni kanyang kapatid.
Agad inireport ni Estrelita sa pulisya ang nadiskubre at doon na nga nalaman kung sino ang namatay at ang sanhi ng pagkasawi.
Kasalukuyang nirerepaso ng mga imbestigador ang CCTV footage upang malaman kung sino ang salarin at ang posibleng motibo ng pagpaslang.