

HEADLINES
Balikatan magpapatuloy kahit may kalapit na Chinese ships

4/30/24, 4:36 AM
Dalawa pang Chinese People's Liberation Army Navy vessels ang naispatan sa West Philippine Sea nitong Lunes habang nagsasagawa ng "Balikatan" drills ang Pilipinas, US, at France.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng Philippine Coast Guard (PCG) na di sila patitinag sa presensya ng China at ipagpapatuloy ang multilateral maritime exercise para palakasin ang depensa ng mga kalahok na bansa.
"Sabihin nila na nandyan sila sa area, but definitely, hindi naman natin ihihinto ito dahil nandyan sila," ani PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela.
"As long (as) we continue to monitor and report them, we are in control of the situation, and besides, tuloy-tuloy pa rin naman ang exercises," dagdag niya.
Sa ulat ng Philippine News Agency, kinumpirma ni Western Command (Wescom) spokesperson Captain Ariel Joseph Coloma na na-detect ang Chinese Navy ships four to five nautical miles ang layo sa mga barkong kalahok sa multilateral maritime exercise kanina bandang alas-9 ng umaga.
Nitong Linggo, sinabi rin niya na may naispatang Chinese navy ship sa layong pito hanggang walong milya mula sa mga barko ng US at Pilipinas na nagsasagawa ng Balikatan exercise malapit sa northern Palawan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na umeepal ang mga barko ng China sa lugar na iyan.
Lumitaw na ang ilan sa mga barko nila noong Pebrero habang may maritime cooperative activity sa pagitan ng Pilipinas at US.