

HEADLINES
Babala ng PCG: Mag-ingat sa pro-China trolls, influencers
.jpg)
2/27/24, 5:00 AM
Ni MJ Blancaflor
Mahilig ka bang manood ng vlogs o content ng "influencers" online?
Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko na mag-ingat sa mga napapanood online dahil inaasahan daw ang pagdami ng pro-China trolls at influencers habang patuloy na nae-expose ang mga ilegal na aksyon ng Beijing sa West Philippine Sea.
Ibinunyag noong Lunes, Pebrero 26, ni PCG Commodore Jay Tarriela na ginagamit ng China ang iba't ibang social media platforms upang pagtulung-tulungang sirain ang malakas na transparency initiative ng Pilipinas.
"The approach now of China to counter the transparency strategy of the PH government, particularly the NTF-WPS, is to carry out information operations to have more trolls and pro-China mouthpieces para magkaroon ng maling impormasyon ang mga Pilipino and for them to divide our country and not be united against China," ani Tarriela sa isang panayam sa dzMM.
Naniniwala ang opisyal na pinalalakas ng China ang disinformation campaign nito dahil epektibo umano ang mga hakbang ng pamahalaan upang ipakalat ang katotohanan ukol sa West Philippine Sea.
Ipinunto niyang sa nagdaang survey ay lumalabas na halos pito sa bawat 10 Pilipino ang nagpahayag ng suporta sa mga hakbang ng pamahalaan kontra China sa usaping agawan sa teritoryo.
Mas marami na rin aniya ang mga bansang nagpahayag ng suporta sa bansa ukol sa isyu, maging sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines.
"The commitment of not just the PCG but the entire NTF-WPS is for us to sustain itong transparency initiative we are doing for us to continuously expose the aggressive actions of the PRC, their illegal presence and the bullying behavior na ginagawa nila sa ating mga mangingisda because through this strategy, nabubuo natin ang bansa," dagdag pa ni Tarriela.
Saad pa ng opisyal, dapat magkaisa ang sambayanan upang kontrahin ang sinumang nag-aangkin ng teritoryo ng bansa.