

HEADLINES
Antipolo Cathedral idineklarang international shrine

1/27/24, 9:03 AM
Ni MJ Blancaflor
Pormal nang idineklara ng Vatican bilang international shrine ang Antipolo Cathedralna kilala rin bilang Our Lady of Peace and Good Voyage National Shrine.
Ito ang kauna-unahang international shrine sa buong bansa at Timog-Silangang Asya.
Pinangunahan ni Papal Nuncio Archbishop Charles Brown, D.D. ang banal na seremonya ng deklarasyon sa wikang Latin noong Biyernes, Enero 26.
Bago niyan, nagdaos ng prusisyon ng imahe ng Birhen ng Antipolo ng alas-otso ng umaga at sinundan ng rite of coronation ng imahe.
Dumalo sa nasabing seremonya ang higit 80 obispo sa buong bansa kabilang sina Bishop Ruperto Santos and Auxiliary Bishop Nolly Buco ng Diocese of Antipolo.
Naroroon din sina First Lady Liza Araneta-Marcos, Antipolo City Mayor Jun Ynares, Rizal Governor Nina Ynares, at iba pang lokal na opisyal.
Noong June 2022 nang aprubahan ng Vatican ang petisyon para itaas ang katedral bilang international shrine na ika-11 pa lang sa buong mundo.
Bago ang deklarasyon, dalawa pa lang ang kinikilalang international shrine sa Asya. Ito ay ang St. Thomas International Shrine sa India at International Shrine of Haemi Martyrs sa South Korea. #