top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

ALAMIN: 14 na Simbahan sa Maynila na pwedeng puntahan sa Visita Iglesia

3/20/24, 6:24 AM

Ni MJ Blancaflor

Naghahanap ka ba ng mga simbahan sa Maynila para sa iyong Visita Iglesia?

Dahil malapit na Mahal na Araw, naghahanda na ang ilang Katolikong Pilipino sa mga tradisyon kaugnay nito. Isa na rito ang Visita Iglesia, na karaniwang tampok tuwing Huwebes Santo.

Ang Visita Iglesia ay isang banal na kaugalian kung saan bumibisita ang mga mananampalataya sa iba't ibang simbahan upang magbalik-tanaw sa hirap ni Hesukristo sa krus at humingi ng patawad para sa mga kasalanan.

Sa Visita Iglesia, may ilang bumibisita sa pitong magkakaibang simbahan, sumisimbolo sa Seven Last Words ni Hesukristo. Ang iba naman ay nagpupunta sa 14 na simbahan na anila'y kumatawan sa 14 Stations of the Cross.

May iba't ibang simbahan sa Metro Manila na pwedeng mong isama sa iyong Visita Iglesia ngayong taon. Narito ang ilan sa kanila:

1. Manila Cathedral

Matatagpuan ang simbahang ito sa Beaterio St. sa Intramuros. Ito ang Episcopal seat ng Arsobispo ng Maynila.

2. Quaipo Church

Nakatayo ang simbahan na idinesenyo ni National Artist Juan Nakpil sa Plaza Miranda sa Quiapo. Bantog ito sa Mahal na Poong Itim na Nazareno.

3. San Agustin Church

Itinayo noong 1607 sa General Luna Street sa Intramuros, ang simbahan ay naging UNESCO World Heritage Site sa Pilipinas noong 1993. Binansagan din itong National Historical Landmark ng bansa noong 1976.

4. Binondo Church

Itinatag ng mga prayleng Dominiko ang Binondo Church noong 1569 sa pag-asang makapanumbalik ang Chinese residents sa lugar sa Kristyanismo.

5. Malate Church

Kilala ang simbahan sa kombinasyon ng Muslim elements at Baroque style sa interior nito. Ang simbahan ay naglalaman din ng isang larawan ng Birheng Maria bilang Our Lady of Remedies na dinala ng mga Kastila sa Pilipinas noong 1624.

6. Ermita Church

Ang simbahan ay tahanan ng itinuturing na pinakamatandang larawan ng Mahal na Birhen ng Immaculate Conception sa Pilipinas, na kilala bilang Nuestra Señora de Guía.

7. San Sebastian Church

Matatagpuan ang simbahang ito sa Pasaje del Carmen Street. Gawa ang kabuuan nito sa bakal na kayang tumagal sa lindol.

8. Tondo Church

Isa sa mga unang simbahan na itinatag sa Luzon, kilala ang Simbahan ng Tondo sa paglalaman ng larawan ng Santo Niño mula noong 1572 sa ilalim ng pamumuno ng mga mongheng Agustino.

9. Santa Cruz Church

Kilala ang Simbahan ng Santa Cruz sa paglalaman ng larawan ng Our Lady of the Pillar mula noong 1643.

10. San Bartolome Parish

Ang parokya ng San Bartolome sa San Agustin, Malabon ay isa sa pinakamatandang simbahan sa buong bansa. Naging parokya ito noong 1614 at pinarangalan din bilang “Important Cultural Heritage” ng National Museum of the Philippines.

11. San Roque Cathedral-Parish

Matatagpuan ang simbahang ito sa Mabini Street, Caloocan. Itinalaga ito bilang cathedral noong 2003.

12. San Isidro Labrador Parish Church

Makikita sa kahabaan ng Taft Avenue, Pasay ang naturang simbahan ay itinatag noong 1951.

13. Monasterio de Santa Clara

Matatagpuan ang simbahan sa Katipunan Avenue, Quezon City.

14. National Shrine of Our Mother of Perpetual Help

Ito ay isa sa pinakamalaking Marian church sa Pilipinas. Mapupuntahan ito sa Roxas Boulevard sa Baclaran, Parañaque City.

Comments

Compartilhe sua opiniãoSeja o primeiro a escrever um comentário.
bottom of page