

HEADLINES
9 sunog inisyal na naitala sa NCR sa pagsalubong sa Bagong Taon

1/2/25, 6:30 AM
Siyam na sunog ang naitala sa National Capital Region (NCR) sa pagsalubong ng Bagong Taon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
"So far po, ang nakarating sa National Headquarters na report ay one incident. However, sa unofficial sa NCR, we noted nine fire incidents simula 12:17 a.m. hanggang kaninang 5:21 a.m.," ani BFP spokesperson Fire Senior Superintendent Annalee Carbajal-Atienza sa panayam sa dzBB.
Patuloy pang iniimbestigahan ang mga sanhi ng mga sunog, at hinihintay pa rin ang ulat kung may mga nasugatan at kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang natupok.
Kabilang sa siyam na kaso ng sunog ang isa na naganap sa isang commercial space sa Malabon, na umabot sa third alarm.
Ayon sa ulat ng BFP, nagsimula ang nasabing sunog bandang hatinggabi at idineklarang fire out bandang alas-singko ng umaga. Patuloy pang inaalam ang sanhi ng insidente.
Samantala, isang sunog din ang naitala sa 6th Street, Kamuning, Quezon City, bandang alas-singko ng umaga, na umabot sa unang alarma.
Binanggit ni Carbajal-Atienza na bagama’t inisyal pa lamang ang bilang ng mga sunog sa unang araw ng 2025, ito ay mas mababa kumpara sa 54 na insidente ng sunog na naitala sa unang araw ng 2024.
Iniuugnay niya ito sa pag-iwas ng marami sa paggamit ng paputok at pailaw, na karaniwang itinuturong pangunahing sanhi ng mga sunog tuwing Bagong Taon.
Dagdag niya, hinihikayat ng BFP ang publiko na umiwas sa paggamit ng paputok at gumamit ng mga alternatibo tulad ng torotot at karaoke.
"Huwag lang kalimutang hugutin ang saksakan pagkatapos ng pagsasaya natin," paalala ng opisyal.