

HEADLINES
71-anyos na lolo nagpapabilib sa streetwear fashion

4/27/24, 6:34 AM
Kung iniisip mong para lang sa Gen Zs o Millennials ang astig na streetwear, ibahin mo ang lolong ito.
Gumagawa ng pangalan sa social media ang 71-anyos na German national na si Alojz Abram dahil sa kanyang streetwear fashion na pwedeng ilaban sa outfit ng kabataan ngayon.
Ilan sa madalas na fashion pieces ni Alojz ay tinted sunglasses, bucket hats, at thrasher sweatshirts.
Hinahangaan din ang sneakers o sapatos ng lolong influencer, na retiradong electrician.
Sa ulat ng News18, sinabi ni Alojz na nakahiligan niya ang streetwear isang taon na ang nakakaraan matapos makita ang suot ng kanyang apo na si Jannik Diefenbach.
Magmula noon ay inaral daw niya ang brands na tinatangkilik ng kanyang apo sa Facebook at Google.
Si Jannik ang kumukuha ng litrato ng kanyang lolo at nagpo-post sa social media ng mga ito.
Sa ngayon, higit 2.5 milyon na ang followers nila sa Instagram.
"He gets some weird looks from other older people," ani Jannik, "but sometimes I get personal messages on Instagram saying that I’ve got the coolest grandpa in the world and that they love him."
Dahil sa kasikatan, nagtayo na ng sariling apparel brand si Alojz na kung tawagin ay Approved by Gramps.
Kabilang sa mga ibinebenta ay mga sombrero, T-shirts, at accessories.