

HEADLINES
70-anyos na babae nagsilang ng kambal sa Uganda

3/11/24, 7:50 AM
By MJ Blancaflor
Kaya mo pa bang magsilang ng sanggol sa edad na 70?
Salamat sa siyensya at teknolohiya, ligtas na nagsilang ng kambal ang isang 70-anyos na babae sa Uganda sa East Africa.
Nanganak si Safina Namukwaya ng fraternal twins — isang lalaki at isang babae — via caesarean sa Women's Hospital International and Fertility Centre sa lungsod ng Kampala, kapitolyo at pinakamalaking syudad sa Uganda.
Nagbuntis siya sa pamamagitan ng IVF treatment, isang medikal na proseso kung saan pinagsasama ang itlog at sperm cells upang makabuo ng embryo na inilalagay naman sa matris ng babae.
Isang himala kung ilarawan ni Safina ang kanyang pagdadalang-tao at panganganak, ayon sa ulat ng BBC.
Paliwanag ni Dr. Edward Tamale Sali, fertility specialist sa pasilidad kung saan nanganak si Safina, gumamit sila ng egg cell mula sa isang donor at sperm ng partner ni Safina para sa IVF treatment nito.
Ipinanganak prematurely ang mga sanggol at inilagay sa incubator, pero ligtas na ang mga ito.
Sa kabila ng magandang balita, iniwanan si Safina ng kanyang partner matapos malamang kambal ang nasa sinapupunan niya.
Kwento niya sa pahayagang Daily Monitor, hindi raw gusto ng mga lalaki sa Uganda na higit sa isa ang dinadala ng kanilang mga partner.
Simula nang ma-admit siya sa ospital, hindi na raw nagpakita ang lalaki.
Hindi ito ang unang beses na nanganak si Safina sa pamamagitan ng IVF treatment. Noong 2020, nagsilang din siya ng isang batang babae.
Nais raw niya talagang magkaroon ng mga anak.
"I looked after people's children and saw them grow up and leave me alone. I wondered who would take care of me when I grow old," sabi niya sa ulat.
Karaniwang nagme-menopause ang mga babae pagtuntong ng edad na 45 at 55. Bumababa ang kakayahan nilang magbuntis sa panahong ito.
Subalit dahil sa siyensya at makabagong medisina, nagiging posible pa rin para sa mga tulad ni Safina na magbuntis at manganak.