

HEADLINES
49th MMFF extended sa mga sinehan hanggang Enero 14

1/8/24, 7:35 AM
Ni MJ Blancaflor
May gusto ka pa bang panoorin sa mga pelikulang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF)?
Inanunsyo kagabi ni MMDA Acting Chairman and MMFF Overall Concurrent Chairman Atty. Don Artes na mae-extend pa ang pagpapalabas ng sampung pelikula hanggang Enero 14 dahil na rin sa pakiusap ng mga manonood.
Kaugnay nito, patuloy pa ring kikilalanin ang MMFF complimentary passes hanggang sa Linggo.
Tumabo na rin sa higit isang bilyon ang kinita ng mga pelikula sa MMFF 2023, doble ng kinita ng mga entry noong nakaraang taon, ayon sa opisyal.
"We at the MMFF would like to express our deepest gratitude to all who have supported us and watched the movie entries, particularly those who requested for the MMFF movies to extend beyond its original run," ani Artes.
"Marami pong salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik. Moviegoers, may mga karagdagang araw pa para panoorin lahat ng MMFF entries," dagdag pa niya.
Mahahaba pa rin ang pila sa mga sinehan na pinuntahan ng Senior Times PH kahapon. Inasahan kasing magtatapos kagabi ang pagpapalabas ng MMFF.
Ang sampung MMFF films ngayong taon ay ang "A Family of 2 (A Mother and Son Story),” “(K)Ampon,” “Penduko,” “Rewind,” “Becky and Badette,” “Broken Heart’s Trip,” “Firefly,” “GomBurZa,” “Mallari,” at “When I Met You in Tokyo.”
Kinilala ang "Firefly" bilang Best Picture sa mga ito. Itinanghal naman si Vilma Santos-Recto na Best Actress sa kanyang pagganap sa “When I Met You in Tokyo,” habang si Cedrick Juan ng "Gomburza" ang kinilalang Best Actor.
Bahagi ng kita ng MMFF ay napupunta sa Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), the Film Academy of the Philippines, the Motion Picture Anti-Film Piracy Council, the Optical Media Board, and the Film Development Council of the Philippines.