

HEADLINES
$5.58-B bentahan ng F16- fighter jets sa Pilipinas, inaprubahan ng US
.jpg)
4/2/25, 6:28 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Inaprubahan ng administrasyon ni US President Donald Trump ang pagbili ng Pilipinas ng $5.58 bilyon F-16 fighter jets sa gitna ng umiinit na tensyon sa pag-aagawan ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Nagbigay na ng green light ang US State Department para sa pagbenta ng Amerika ng 20 F-16 jets at katuwang na mga military equipment sa Pilipinas.
Nangyari ang pag-apruba ng bentahan habang tumataas ang pangamba ng marami na naghahanda na ang China sa pagkubkob ng mga inaari nitong mga teritoryo, kasama ang Taiwan.
Sa pagbebenta, ipinakita naman ng Amerika na handa nitong suportahan ang Pilipinas sa pagbibigay proteksyon sa bansa na patuloy na binu-bully ng China.
Ayon sa State Department ang pagpapalakas ng military ng Pilipinas ay inaasahang lalakas sa tulong ng pamahalaan ni Trump.
Ang bentahan ng mga modernong eroplanong pandigmaan sa Pilipinas ay magpapalakas ng abilidad ng Philippine Air Force sa pagsasagawa ng “maritime domain awareness” at magdaragdag ng mga paraan upang gapiin ang “enemy air defenses.”
Hindi pa kinukumpirma ng Pilipinas ang nasabing bentahan.
“Nonetheless, we remain steadfast in our mission to defend the nation while anticipating future enhancements that will strengthen our ability to safeguard our territory,” paliwanag ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.